5 pulis sa QC sinibak dahil sa pangingikil

By Kabie Aenlle August 11, 2017 - 03:13 AM

 

Sinibak sa pwesto ang limang pulis, kabilang na ang isang station commander, hepe ng anti-illegal drug unit at tatlong iba pa sa Quezon City dahil sa umano’y extortion.

Naaresto kasi ang driver ni Quezon City Police District (QCPD) Station 5 commander Supt. Bobby Glen Ganipac, matapos nitong mangikil mula sa mga magulang ng isang drug suspect.

Inirekomenda ni QCPD director Guillermo Eleazar ang pag-relieve kay Ganipac, pati na sa drug enforcement unit head ng istasyon na si Insp. Severino Busa, at sina SPO3 Marlo Samoy, PO2 Herby Tingle at PO1 Marlon Fajardo na pawang mga tauhan ni Busa.

Inaprubahan naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Oscar Albayalde ang rekomendasyon ni Eleazar upang mapigilan rin ang mga ito na makaapekto sa imbestigasyon.

Noong Miyerkules naaresto ang driver ni Ganipac na si Joseph Ruallo na nagpanggap na pulis.

Hinihingan umano ni Ruallo ng P50,000 ang mga magulang ng drug suspect upang maibaba ang mga kasong isinampa laban dito, pero pumayag din itong gawing P15,000 na lang.

Ayon kay Counter-Intelligence Task Force (CITF) chief Supt. Jose Chiquito Malayo, inatasan umano ng mga tauhan ni Busa si Ruallo na makipag-negosasyon sa mga magulang ng suspek.

Sa ngayon ay relieved na sina Ganipac at Busan upang hindi makagamit ng impluwensya sa imbestigasyon, habang patuloy pang hinahanap ang tatlong iba pang pulis.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.