Lima patay matapos ang magnitude 6.5 na lindol sa Sichuan province, China

By Rhommel Balasbas August 09, 2017 - 04:26 AM

 

Lima na ang patay at mahigit 60 ang sugatan matapos yanigin ng magnitude 6.5 na lindol ang bulubunduking lalawigan ng Sichuan sa China Martes ng gabi.

Ang pagyanig ay naganap eksaktong 9:19 ng gabi at tinatayang may lalim na 10 kilometro ayon sa US Geological Survey.

Naitala ang epicenter ng lindol sa Ngawa prefecture kung saan naninirahan ang mga etnikong Tibetans, na malapit din sa Jiuzhaigou nature reserve na isang sikat na tourist destination.

Ayon sa pamahalaan ng Sichuan, lima na ang naitatalang patay at 60 na ang sugatan at 30 dito ay seriously injured.

Pawang turista ang mga nasawi ayon sa People’s Daily.

Samantala, 100 turista din ang na-trap dahil sa pagguho ng lupa ngunit wala pang naiuulat na nasaktan o nasawi sa mga ito.

Isang reception area naman sa isang hotel ang nag-collapse na nagresulta sa pagkaka-stranded ng mahigit 500 katao ngunit agaran namang namang naevacuate ng mga rescuers.

Sa kasalukuyan, mahigit isandaang aftershocks na ang naitatala matapos ang naunang malakas na pagyanig.

Pinangangambahang tumaas pa ang naturang bilang ng nasawi at nasugatan dahil sa patuloy pa ang pagkalap ng impormasyon ng mga kinauukulan.

Noong 2008, isang lindol din sa nasabing lugar ang kumitil sa buhay ng 78,000 katao.

 

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.