Taxi driver na tumangay sa cellphone ng ASEAN summit delegate, arestado

By Ricky Brozas August 06, 2017 - 02:41 PM

Nahuli na ng operatiba ng Manila Police District (MPD) ang taxi driver na tumangay sa cellphone ng isang delegado ng ASEAN Summit.

Kinilala ni MPD Station 5 Commander Supt. Emery Abating ang suspek na si Roderick Balilla, 32 anyos, driver ng Alvichen Taxi na may plate number UVU 691.

Sa reklamo ni Anh Pham, Vietnamese national at bahagi ng delegado ng Ministry of Health ng Vietnam, dakong ala singko ng hapon nang Sabado nang sumakay siya sa taxi na minamaneho ng suspek sa tapat ng Rizal Monument sa Roxas Blvd. at nagpahatid sa Manila Bay.

Matapos umano siyang ipa-ilot-ikot ng suspek sa bisinidad ng Padre Burgos at Kalaw ay siningil siya nito ng P2,900, pero dahil nalakihan siya sa halaga ng sinisingil sa kanya na pasahe, tinawagan niya ang isang Pilipinong kaibigan–sa pagkakataong ito ay nakababa na siya ng taxi.

Ipinakausap umano niya ang kanyang kaibigan sa taxi driver, kaya iniabot niya ang cellphone sa suspek.

Pero pagkabigay niya ng cellphone sa suspek, agad itong sumakay ng taxi at mabilis na nagmaneho palayo.

Humingi naman ng saklolo ang dayuhan mula sa presinto ng pulisya, at sa pamamagitan ng CCTV, nalaman nila ang plate number ng taxi kaya natunton ang operator nito.

Nadatnan ng mga otoridad sa kanyang bahay ang suspek sa Sapang Palay, Bulacan. Hindi naman ito nanlaban at isinoli ang cellphone.

Magkagayunman, inaresto pa rin ito at ngayon ay nakakulong na sa MPD-General Assignment and Investigation Section at mahaharap sa reklamong theft.

TAGS: Asean summit, Ministry of Health, MPD, Roderick Balilla, Asean summit, Ministry of Health, MPD, Roderick Balilla

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.