Paparazzi photographer nabangga ng minamanehong truck ni Justin Bieber

By Den Macaranas July 27, 2017 - 03:31 PM

AP

Aksidenteng nabangga ng sinasakyang pick-up truck ni Justin Bieber ang isang paparazzi photographer sa Beverly Hills sa California, Miyerkules ng gabi.

Galing sa loob ng Hillsong Church ang 23-anyos na singer nang maganap ang aksidente.

Sa ulat ng TMZ, kanilang sinabi na si Bieber ang driver ng nasabing kulay itim na pick-up truck nang aksidente niyang mabanggang ang nasabing biktima.

Sinabi rin sa ulat na hindi sinasadya ni Bieber ang pangyayari dahil mabagal lamang ang takbo ng kanyang sasakyan habang lumalabas sa parking area ng Hillsong Church.

Sa hiwalay na pahayag ay sinabi ng Beverly Hills Police Department na aksidente ang nangyari at hindi naman tumakas sa crime scene si Bieber.

Nakapagbigay na rin ito ng pahayag sa mga otoridad at nanatili sa lugar hanggang sa dalhin sa ospital ang biktima na nagkaroon lamang ng minor injuries sa kanyang kanang bahagi ng katawan.

Ipinaliwanag rin ng Beverly Hills Police Department na nagkasundo na ang magkabilang panig na sasagutin ni Bieber ang pagpapagamot sa biktima kaya hindi na ito naghain pa ng reklamo laban sa naturang singer.

Kamakalawa lang ay inihayag ng kampo ni Bieber na kanilang kinansela ang world tour ng singer dahil kinakailangan daw nitong magpahinga.

TAGS: beverly hills, California, justin bieber, paparazzi, beverly hills, California, justin bieber, paparazzi

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.