3 mosyon, inihain para baliktarin ng SC ang pagpapatibay sa martial law

By Kabie Aenlle July 22, 2017 - 05:12 AM

Tatlong magkakahiwalay na motions for reconsiderations ang inihain sa Korte Suprema kahapon para hilingin na baliktarin ang naging desisyon ng korte na pagtibayin ang idineklarang martial law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanao.

Sa desisyon ng kataas-taasang hukuman noong July 4, nakasaad na dumepende lang sila sa parehong mga impormasyong inihain kay Pangulong Duterte na nauwi sa naturang proklamasyon.

Ipinaliwanag rin ng Supreme Court na may kapangyarihan ang pangulo na tukuyin ang magiging sakop ng martial law, base sa mga hawak niyang intelligence information.

Sa mosyon ng mga kababaihan mula sa Marawi City, iginiit nilang hindi dapat dumepende ang hukuman sa mga sinabi lang ng pangulo sa kaniyang report kung bakit niya kinailangang magdeklara ng martial law.

Hinikayat nila ang Korte Suprema na gumamit ng subpoena para makuha ang mga intelligence documents na sinasabing pinagbasehan ng desisyon ni Duterte, upang matukoy kung talagan sapat ang naging batayan ng pangulo.

Ayon naman sa mosyon ni Rep. Edcel Lagman, ang pagsasabi ng Korte Suprema na wala silang kakayanan o “logistical machinery” kung ikukumpara sa pangulo, ay isang hudyat ng pag-aabandona nito sa kanilang “power of judicial review.”

Samantala, iginiit naman ng iba pang petitioners na taga-Mindanao at kinakatawan ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) ang Section 18 Article 7 ng Konstitusyon.

Nakasaad kasi anila dito na maaring magsagawa ng imbestigasyon ang Korte Suprema tungkol sa factual basis ng deklarasyon ng martial law.

Ipinunto pa nila na isa nga ito sa mga safeguards na inilagay ng mga bumuo ng Saligang Batas para maiwasang maulit ang martial law na ipinatupad noon ni dating Pangulong Marcos.

Nanindigan naman si Lagman at mga kapwa niya petitioners na walang aktwal na nangyayaring rebelyon sa Marawi City at sa nalalabing bahagi ng Mindanao, dahil ang nagaganap anila doon ay lawless violence na tumutumbas sa terorismo.

Dagdag pa ni Lagman, naiwasan sana ang pagkamatay ng napakaraming sundalo, terorista at mga sibilyan, pati na ang pagkasira ng mga ari-arian at pangangailangan ng paglikas ng mga residente kung naawat sana ang deklarasyon ng martial law.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.