Atong Ang, bumisita kay Aguirre sa DOJ

By Kabie Aenlle July 22, 2017 - 05:10 AM

Kinumpirma ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II na nagkaroon sila ng pagpupulong ng gambling operator na si Charlie “Atong” Ang sa Department of Justice (DOJ).

Ayon kay Aguirre, tumungo si Ang kasama ang kaniyang abogado sa DOJ noong Huwebes ng gabi, bilang isang courtesy call na tumagal ng nasa dalawang oras.

Ani Aguirre, ang pangunahing pakay ni Ang sa pagbisita sa kaniya ay para magpahayag ng suporta sa kampanya ng pamahalaan laban sa anumang uri ng illegal gambling.

Kasama na rin sa mga dahilan ng pagpunta aniya ni Ang, ay para linawin ang ilang mga isyu na naging resulta ng mga hindi pagkakaunawaan noon.

Matatandaang nitong taon lamang ay binanatan nina Ang at Aguirre ang isa’t isa.

Inakusahan kasi ni Ang sina Aguirre at National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. na nasa likod ng planong pagpapapatay sa kaniya upang mabuwag ang kaniyang negosyo.

Sa ganitong paraan kasi aniya ay maisusulong na nina Aguirre at Esperon ang kanilang interes sa operasyon ng mga small town lottery.

Gayunman, sinabi naman ni Aguirre na nagplano si Ang na ipa-ambush ang sarili tapos ay ibubunton ang sisi sa kalihim.

Wala namang naganap na ambush, dahil ayon kay Aguirre ay napigilan niya ito.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.