Aquino, nanindigang hindi sila nagsabwatan nina Purisima at Napeñas

By Kabie Aenlle July 21, 2017 - 04:05 AM

Iginiit ni dating Pangulong Benigno Aquino III na walang sabwatang nangyari kaugnay ng nabulilyasong operasyon sa Mamasapano, Maguindanao na ikinasawi ng 44 na Special Action Force (SAF) commandos.

Sa kaniyang inihaing motion for reconsideration sa Ombudsman, iginiit niyang walang nangyaring “conspiracy” sa pagitan nila nina dating Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Alan Purisima, at dating SAF chief retired Director Getulio Napeñas.

Muli ring nanindigan si Aquino na lahat ng kaniyang mga naging hakbang at desisyon niya kaugnay ng Oplan Exodus ay naaayon sa kaniyang kapangyarihan noon bilang pangulo, at Commander-in-Chief.

Paliwanag pa ni Aquino, maari siyang direktang mag-utos o makipag-ugnayan sa sinuman, kabilang ang mga taong nagsisilbing resource persons na nakapagbibigay ng mahahalagang impormasyon tungkol sa isang police operation.

Una nang sinabi ni Aquino na ang tanging naging partisipasyon lamang ni Purisima ay magsilbing resource person.

Ang nasabing mosyon ay bilang tugon ni Aquino sa desisyon ng Office of the Ombudsman na dapat siyang makasuhan ng usurpation of authority at graft kaugnay ng naging papel niya sa operasyon.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.