Noynoy Aquino, posibleng ipatawag sa panibagong imbestigasyon sa Mamasapano

By Kabie Aenlle July 17, 2017 - 05:17 AM SHARE(S):
(Photo by: Ryan Lim / MalacaƱang Photo Bureau)

Plano ni Sen. Richard Gordon na muling buksan ang imbestigasyon ng Senado tungkol sa sumablay na operasyon sa Mamasapano kung saan 44 na Special Action Force (SAF) commandos ang nasawi noong 2015.

Sakaling mabuksan muli ang naturang imbestigasyon, malaki ang posibilidad na ipatawag na si dating Pangulong Benigno Aquino III para maibunyag kung ano ba talaga ang naging papel niya sa nabulilyasong operasyon.

Ayon kay Gordon, kung kakailanganin ay ipapatawag niya si Aquino dahil wala namang exempted sa imbestigasyon.

Aniya pa, makabubuting gayahin ni Aquino si dating Pangulong Fidel Ramos na kusang humarap sa Senado para harapin ang mga akusasyon laban sa kaniya.

Dagdag pa ni Gordon, magpaka-lalaki dapat si Aquino at harapin ang mga kahihinatnan ng mga pangyayari.

Dapat din aniya ay sumipot na agad si Aquino noon pa sa unang imbestigasyon na inilunsad ng komite ni Sen. Grace Poe.

Inaasahan na rin ang muling pagbubukas ng imbestigasyon lalo na’t noong nakaraang linggo ay nagdesisyon na ang Ombudsman na kasuhan ng usurpation of authority at graft si Aquino kaugnay ng insidente.

Huling binuksan ang imbestigasyon tungkol sa insidente noong Enero 2016, alinsunod sa hiling ni Sen. Juan Ponce Enrile.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.