Sec. De lima at Roxas, pinayuhang huwag magpapatinag sa INC

August 30, 2015 - 02:43 PM

 

delima roxasBinigyan ng isang dating kalihim ng Department of Justice ang kontrobersyal ngayon na si Justice Secretary Leila De Lima ng “unsolicited advice” sa harap ng kinakaharap nitong galit mula sa hanay ng Iglesia ni Cristo o INC.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni 1-BAP Partylist Rep. Silvestre Bello III na ang pinaka-simpleng dapat gawin ni De Lima sa kasalukuyan ay gawin ang kanyang trabaho, bilang bahagi ng mandato nito.

Ayon kay Bello, na nagsilbing DOJ Chief noong administrasyon nina Dating Pangulong Corazon Aquino at Fidel V. Ramos, huwag munang isipin ni De Lima kung ano ang magiging epekto ng mga batikos ng INC sa kanyang Senatorial bid sa 2016 Elections.

Katwiran pa ni Bello, hindi dapat haluan ni De Lima ng politika ang usapin dahil sa bandang huli, malilinis din ang kanyang pangalan lalo kung ginawa niya ang tamang aksyon.

“Well I hope Justice Secretary De Lima doesn’t mind my unsolicited advice. Pero pinaka simpleng advice sa kanya, gawin lang niya ang trabaho niya. Wag isipin kung ano ang magiging epekto sa kanyang kandidatura. Just do your job! In the end, you will end up doing the right thing,” ani Bello.

Naniniwala naman si Bello na hindi ‘pakikialam’ ang hakbang ni De Lima nang aksyunan ang reklamo ng tiniwalag na ministro ng INC na si Isaias Samson. “Kung may affidavit complaint na na-file si Isaias Samson against any officers or members of INC, katungkulan ni Secretary De Lima na imbestigahan yan, hindi pakikialam kundi pagtupad sa kanyang katungkulan,” pahayag ng Kongresista.

Samantala, sinabi naman ni Rep. Bello na hindi dapat isipin ni Department of Interior and Local Government o DILG Secretary at Liberal Party Standard Bearer Mar Roxas ang magiging ‘political repercussions’ sa kanyang kandidatura ng nagpapatuloy na protesta ng Iglesia ni Cristo o INC.

Ayon kay Bello, hindi dapat magpatinag si Roxas sa emosyon ngayon ng INC, na nagngangalit sa umano’y pakiki-alam daw ng gobyerno partikular ni Justice Secretary Leila De Lima sa mga panloob na problema ng religious sect.

Punto pa ni Bello, hindi dapat maging ‘factor’ para sa Presidential bid ni Roxas ang mga batikos ng INC, dahil kung tututusin ang hindi dapat idinadawit ang politika sa naturang usapin.

“Ah dapat wag isipin ni Sec. Roxas kung ano ang political repercussions ng kanyang gagawin. Ang katungkulan niya, to maintain peace and order in our country. Kung yun ay makakatulong sa kanyang kandidatura, hindi dapat maging factor yan. Ang importante, ang mandato niya ay magmentina ng peace and order, kahit sino pa involved dyan. It is his duty as Secretary of Local Government, at huwag nang idawit ang politika,”ani Bello.

Inamin naman ni Bello na medyo nakukulangan pa siya sa mga aksyon ni Roxas sa nagaganap na kilos-protesta ng INC, at dapat sana’y naging pro-active.

Pero nauunawaan umano niya ito, dahil biglaan ang naging pag-kilos ng INC.

 

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.