Mga duwag na pulis, binalaan ni Dela Rosa

By Kabie Aenlle June 24, 2017 - 05:05 AM

Nagbabala si Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Ronald “Bato” dela Rosa na magiging krusada niya na ang pagtatanggal sa mga duwag na pulis.

Ito aniya ay para huwag nang maging ugat pa ng kahihiyan ang mga ito sa kanilang organisasyon.

Isinumpa ito ni Dela Rosa sa harap ng 821 na mga bagong police trainees ng Police Regional Office 6 at 18 sa Bago City, Negros Occidental.

Nang tanungin ng hepe ng PNP ang mga bagong pulis kung sino ang nais na mag-volunteer na maipadala sa Marawi City, lahat naman ay nagtaas ng kamay.

Gayunman, pakiramdam ni Dela Rosa ay napilitan lang ang mga ito kaya pinaalalahanan niya ang mga bagong pulis na sila ay magiging Police Officer 1 hindi lamang sa Visayas kundi sa buong bansa.

Dahil dito, iginiit niyang maaring idestino ang mga ito saan mang bahagi ng bansa kaya dapat isa-isip ng mga ito na handa silang i-alay ang kanilang buhay para sa bayan.

Dagdag ni Dela Rosa, ayaw niya sa mga duwag na pulis, at pinaka-ayaw niya ay iyong handang isuko lang agad ang kanilang armas sa mga rebelde nang hindi man lang lumalaban.

Noong June 18 kasi ay sinalakay ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang Maasin Police Station sa Iloilo, kung saan nakulimbat nila ang 11 na M16 rifles nang walang kahirap-hirap, matapos lagyan ng posas ang mga pulis doon.

Panawagan ni Dela Rosa sa mga pulis, kung mayroong digmaan, hindi dapat sila matakot na lumaban upang hindi mapahiya ang PNP.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.