Pagtatatag ng wilayat sa Marawi, napigilan ng pamahalaan

By Kabie Aenlle June 24, 2017 - 12:01 AM

Malakas ang paniniwala ng Malacañang na napigilan na nang tuluyan nang pamahalaan ang plano ng mga terorista na pagtatayo ng wilayat o Islamic caliphate sa Marawi City.

Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, dahil na rin ito sa deklarasyon ng martial law sa Mindanao.

Aniya, naniniwala silang ang pangunahing layunin ng martial law na pigilan ang plano ng mga teroristang Maute Group na kubkubin ang Marawi City ay naging matagumpay.

Sa kabila nito, hindi pa rin naman matiyak ni Abella kung malapit na bang alisin ang ipinroklamang martial law sa Mindanao.

Ayon naman kay Mindanao Development Authority (MinDA) Sec. Datu Abul Khayr Dangcal Alonto, susuportahan niya ang pagpapalawig pa sa martial law pagkatapos ng 60 araw sakali mang kailanganin ito.

Naniniwala rin si Alonto na kung hindi pa mareresolba ang problema sa Marawi ay dapat lang na pahabain pa ang pagpapairal ng batas militar.

Gayunman, nasa kamay pa rin naman ng Department of National Defense at ng Armed Forces of the Philippines ang desisyon tungkol sa pagpapalawig nito.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.