Suspek sa Resorts World Manila attack, nakilala na

By Mariel Cruz June 04, 2017 - 01:05 PM

INQUIRER FILE PHOTO

Nakilala na ng Philippine National Police ang pagkakakilanlan ng suspek sa karumal dumal na pag-atake sa Resorts World Manila sa Pasay City.

Sa isang press conference, sinabi ni National Capital Region Police Office chief Director Oscar Albayalde na nakilala ang lone gunman na si Jessie Carlos, 43 yrs old, isang Filipino, at nakatira sa Sta. Cruz, Manila.

Mismong ang pamilya aniya ni Carlos ang kumilala sa kanya matapos magtungo sa kanilang tanggapan kaninang umaga ang dating asawa, anak at iba pang miyembro ng pamilya nito.

Binanggit din ni Albayalde na empleyado si Carlos ng Department of Finance pero nadismiss dahil sa isyu sa kanyang statement of assests, liabilities and net worth.

Sinabi naman ng pamilya ng suspek na patung patong na ng utang ang kinakaharap ni Carlos dahil sa pagkakalulong sa sugal.

Ito rin anila ang naging dahilan kung bakit nagkaroon ng problema si Carlos sa kanyang asawa at mga anak.

Ang suspek ay kasal sa nagngangalang Jen Carlos, kung saan mayroon silang tatlong anak, isang lalaki at dalawang babae.

Mayroon aniyang bank account si Carlos, na aabot sa apat na milyong piso ang utang, at ibinenta pa nito ang kanyang Ford Ranger na sasakyan dahil sa financial problema.

Samantala, present sa press conference ang pamilya ng suspek kung saan humingi sila ng tawad sa ginawang karumal dumal na pag-atake ni Carlos at nakiramay sa pamilya ng mga nasawi.

Nanindigan naman si Albayalde na hindi terror attack ang nangyari at mag-isa lang ang suspek.

Biyernes ng madaling araw, inatake ni Carlos ang Resorts World Manila kung saan nagsunog ito ng ilang casino gaming table at ilang beses nagpaputok ng baril sa casino area, bago niya patayin ang kanyang sarili,

Umabot sa tatlumpung guests at empleyado ng Resorts World Manila ang nasawi sa insidente na karamihan ay dahil sa suffocation.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.