SIRA-ULONG TALUNAN O TERORISTA? sa “WAG KANG PIKON” ni Jake Maderazo

Posted in: Column, Latest News

SIRA-ULONG TALUNAN O TERORISTA? sa “WAG KANG PIKON” ni Jake Maderazo

Kuha ni Jay Dones

37 guests at empleyado ng Resorts Worlds Hotel ang namatay, higit 70 katao ang sugatan samantalang daan-daang milyong pisong halaga ng casino facilities ang nasunog. Kilala na ang gunman, si Jessie Javier Carlos na nakunan ng CCTV sa kanyang paglusob noong Biyernes ng hatinggabi. Si Carlos ay dating empleado ng One stop shop-Dept of finance na sinibak sa serbisyo dahil sa SALN. Hiwalay sa asawa at merong mga anak.

Sabi ng PNP at AFP, hindi ito terorismo ng ISIS . Ganoon din sina Defense secretary Delfin Lorenzana at Pres. Duterte. Si House Speaker Pantaleon Alvarez naniniwala na ito’y “lone wolf terrorist attack”. Ipinipilit naman ng ISIS sa pamamagitan ng Amaq news agency na sundalo nila si Carlos na ang pangalan daw ay Abul Khayr al-Arkhabili.

Kahapon, inilabas ng Hotel ang buong CCTV ng gunman . Ibinaba ng taxi driver mula Sta. Cruz, Maynila at sa entrance, nilapitan siya ng babaeng gwardya pero hindi inintindi. Nag-elevator patungo sa casino kung saan sinimulan niyang sunugin ang mga tables at slot machines. Nabigong makahanap ng pera sa “casino chips storage” pero kumuha daw ng P130-M worth na mga chips. Nakabarilan ang ilang gwardya at pulis kung saan tinamaan siya at may dugo sa mukha.Umakyat ng room 510 at bago pumasok sinunog muna ang linen at carpet. At ilang minuto ay sinilaban ang katawang nakakumot na may gasolina at nagbaril sa ulo.

Maraming ispekulasyon ang iiral dito. Pero sa ganang akin, ang maliwanag na intensyon ng gunman ay “sunugin” ang casino dahil preparado siya sa dala niyang gasolina, lighter at M4 rifle at caliber .380 pistol. Hindi nga siya namaril ng mga nakasalubong na tao pero, sinilaban niya ang casino tables at slot machines sa Resorts World at ang 5th floor ng Maxim’s hotel na noong panahong iyon ay merong higit 11,000 hotel guests at empleado.

Sa robbery angle, maliwanag na naghahanap ng “cash” ang gunman pero nang walang madala ay kumuha ng casino chips. Pero nang mabaril ng security guards at pulis, iniwan ang chips at umakyat sa Maxim’s at sinira ang pinto ng room 510 . Sinunog muna ang carpet at linen sa labas bago nagbaril sa sarili.

Maging sa huling sandali ay gusto niyang sunugin ang 9 floors na Maxim’s hotel, mabuti na lang at maagang nailikas ang mga guests doon.

Naghahanap ako ng matinding galit sa panig ng gunman kung bakit niya gagawin ito nang nag-iisa. Dahil kung matindi nga ang galit niya, dapat pinutukan niya ang bawat makasalubong pero kalkulado ang galaw nito sa misyong “sunugin” ang casino. Arson ang intensyon , pero sabi ng police at RWM may “attempted robbery” ang insidente.

Matapos ang paglusob ng Maute terrorists sa Marawi city, binabantayan ko ang order ng ISIS sa kanilang mga panatiko nitong buwan ng Mayo sa weekly journal nilang Rumiyah.

Ang utos ay ganito: “Gumamit ng anumang aksyon, krimen, giyera o terorismo para masaktan ang ekonomya ng mga hindi Muslim at kanilang mga gobyerno. Nakawan ang mga hindi Muslim at pwede silang patayin at kunin ang kanilang ari-arian!”

Konektado ba si Jessie Javier Carlos dito?

Kahapon, may knife attacks at vehicle ramming sa London Bridge at lumpo muli ang turismo at negosyo sa UK. Ganoon din ang turismo at negosyo dito sa atin dahil sa insidente sa Resorts World.

Ano sa palagay niyo?

Leave a comment