Dalawang Abu Sayyaf, patay sa military bombardment sa Sulu

August 25, 2015 - 07:46 PM

 

Inquirer file photo

Matapos malagasan ng dalawampu’t limang miyembro noong nakaraang linggo, muling namatayan ng dalawang miyembro ang Abu Sayyaf Group (ASG) mula sa sub-group ni Hatib Hajan Sawadjaan ngayong araw, Martes, ika-25 ng Agosto, sa Patikul, Sulu.

Malaking bilang na ng ASG ang namatay at nasugatan dahil sa walang humpay na pagkakanyon mula sa 105 howitzers ng Joint Task Group Sulu sa pinagkukutaan ng bandidong grupo mula pa noong nagsimula ang operasyon upang mapalaya ang dalawa nitong bihag na Philippine Coast Guard personnel at iba pang kidnap victims.

Ayon sa militar, patay sa bombardment sina Emmar Jawhari na taga Sitio Kanjimao, Barangay Buhanginan at Naser Muhammad na taga Barangay Kabbuntakas, Patikul, Sulu.

Isang ASG ang sugatan na kinilalang si Ammel Madjid, ng Sitio Kantitap, Barangay Danag, Patikul Sulu.

Nauna rito ay nagsagawa ang Joint Task Group Sulu na pinamumunuan ni Brig. Gen. Alan R. Arrojado ng search and destroy operations na nagsimula kaninang alas singko ng umaga.

Nag-preparatory fires ang artillery battalion at tinarget ang kuta ng bandidong grupo sa Sitio Masjid, Anak Anak, Barangay Sandah sa Patikul bago ito pinasok ng mga tropa ng 1st Scout Ranger Battalion sa pamumuno ni Lt. Col Eugenio Boquio at 35th IB sa pamumuno ni Lt. Col. Mars Gayat.

Ayon pa rin sa militar, kumaripas ng takbo ang mga bandido at pilit nagtago sa libis ng Sitio Pantay Minul upang hindi tamaan ng kanyon na sinabayan pa umano ng artillery fire mula sa 35th IB gamit ang 81 mm mortar.

Sa isinagawang search and clearing operations kaninang alas otso ng umaga ng combined elements ng 35th IB sa pamumuno ni 1Lt Mallare, nadiskubre ang isang harbouring site o kuta ng mga bandido na kayang maglaman ng isandaang katao.

Nadiskubre rin ng tropa ang mga M60 ammunition, isang memory card na may intelligence value at iba pang personal belongings.-Josephine Codilla/Jay Dones

 

 

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.