BALIK-BAYAD BOX LANG ‘YAN PARE ni Ira Panganiban

August 25, 2015 - 01:30 PM

ira 2Hindi ko maintindihan kung ano ang kaguluhan sa pagpapadala ng Balikbayan Box at nagiging epal ang Bureau of Customs tungkol dito. Bakit ba kailangang ipilit ang pagtaas ng singil ng buwis eh dati namang wala.

Bakit din ba kailangang pumalag ang mamamayan na buksan ang kargamento nila eh ito naman talaga ang legal na patakaran sa pagpapasok ng anumang kargamento sa bansa.

Ang nakasanayang sistema ay ang tinatawag na “random choice’ ng pagbukas ng kahon. Ito ay dahil hindi naman kaya ng kahit anong organisasyon sa buong mundo na buksan ang libo-libong Balikbayan box na dumarating sa bansa araw-araw mula sa iba’t-ibang bahagi ng mundo.

Sa paraang ito, pipili lang ng biglaan ang isang customs examiner/inspector ng kahon sa loob ng isang container van para silipin kung ano laman nito. Kung maayos at walang problema, eh di tuloy na ang biyahe sa mga may-ari ng Balikbayan box.

Ang buwis naman ay matagal ng inalis sa Balikbayan boxes, dahil ang halaga ng laman nito ay katiting lang ng halaga ng remittance ng mga OFW at immigrants na umaabot sa ilang milyong dolyar kada taon.

Bale ba, konsuwelo de bobo na lang ito ng pamahalaan sa mga mamamayan niya na hindi makahanap ng trabaho sa bansa at kinailangan pang lumayo sa pamilya para makapaghanapbuhay.

Sabi ni Customs Commissioner Bert Lina, nais nilang kalusin ang mga iligal na aktibidad sa negosyo ng Balikbayan tulad ng smuggling. Aprub tayo diyan, bakit hindi.

Pero sana silipin muna ni Mang Bert ang kalakaran sa Customs bago niya simulan ang pagbembang sa Balikbayan box. Ayon sa mga kausap ko sa Customs, kaya matapang at nakakalusot ang smuggling sa Balikbayan box ay dahil sa sistema ng korapsiyon dito.

Base sa kuwentuhan namin, nagbabayad lamang ng P200,000 – P300,000 ang mga shippers para mailabas ang isang 40-foot container van. Siguradong walang silipan at bukasan ditto kaya ang mga iligal na padala ay nakakalusot.

Sa paghihigpit ng Customs sa Balikbayan box, tanging maaapektuhan lamang ang mga legal magtrabaho sa negosyong ito, dahil yung mga tiwali ay magbabayad lang ng maliit na halaga at lusot na sila.

Yung buwis naman, barya lang iyon kumpara sa mga hindi nagbabayad ng buwis na hindi hinahabol ng pamahalaan dahil masyadong masakit sa ulo. Bakit masakit sa ulo? Dahil ang mga mayayaman na iligal laging may magaling na abogado.

Hayaan na sana nila ang mga pamilya ng OFW na maranasan ang rangya na hindi nila nararanasan kung aasa sila sa ating pamahalaan. Dahil kumpara sa PDAF, DAP at iba pang anomaly ninyo sa gobyerno, barya lang yang Balikbayan box.

Ituring na lang ninyong Balik-Bayad sa pinahihirapan ninyong masa yang nakasanayang ugali ng pagreregalo na yan.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.