Jeepney driver, patay sa pulis sa insidente ng ‘road rage’

By Jay Dones May 03, 2017 - 04:24 AM

 

crime-scene-e1400865926320Patay ang isang jeepney driver makaraang barilin ito ng isang pulis-Maynila sa isa na namang kaso ng ‘road rage’ sa Antipolo City.

Nasawi ang biktimang si Petronilo Fernando sanhi ng tama ng bala makaraang paputukan ng suspek na si PO2 Ronald Pentacasi.

Ayon kay Supt. Ruben Andiso hepe ng Antipolo Police, napag-alaman na si Pentacasi ay miyembro ng Manila Police District Station 3.

Sa imbestigasyon ng Antipolo City police, minamaneho ng biktimang si Fernando ang kanyang jeepney sa kahabaan ng Marcos Highway malapit sa kanto ng Catalina St., dakong alas 5:00 ng hapon, Lunes nang masagi nito ang moorsiklo na minamaneho ng pulis.

Ayon sa ilang saksi, nagalit umano ang pulis nang hindi agad huminto ang driver makaraan siyang masagi nito.

Gayunman, nang huminto na ang jeepney, dito na bumunot ng baril ang suspek at pinagbabaril ang biktima na siya nitong ikinamatay.

Isa namang bystander na si Jericho Andrada ang tinamaan rin ng ligaw nab ala sanhi ng insidente.

Matapos ang pamamaril ay agad na tumakas ang suspek.

Nakikipag-ugnayan na ang Antipolo police sa MPD Station 3 upang mapasuko ang suspek na si Pentacasi.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.