Manager ng isang kumpanya, dinukot matapos manalo sa sabong sa Mandaluyong

By Kabie Aenlle April 28, 2017 - 05:16 AM

kidnap1Dinukot ng apat na mga kalalakihan ang isang sabongero at manager sa isang kumpanyang pagawaan ng plastik sa Mandaluyong City, matapos siyang manalo ng malaking halaga sa sabong.

Ayon sa biktimang si Warlie Tan, nakasuot ng mga bonnet at armado ng matataas na kalibre ng baril ang mga kalalakihang dumukot sa kaniya.

Sa kabutihang palad, pinakawalan din siya ng mga ito matapos mapagtanto ng mga suspek na hindi pala niya bitbit ang napanalunang P200,000 na presmyong kaniyang napanalunan.

Gayunman, kinuha pa rin ng mga ito ang kaniyang ATM card, pati na ang hawak niyang P7,000 noong mga panahong iyon.

Ayon kay Tan, pasado alas-8:30 na ng gabi nang umalis siya sa sabungan sa San Juan, at napansin niyang sinusundan siya ng isang puting Toyota Vios.

Dahil dito, naisip ni Tan na itago na sa loob ng kaniyang sasakyan ang kaniyang napanalunang pera.

Habang pumaparada na siya sa may harap ng kaniyang bahay sa Mandaluyong, nagsi-babaan ang mga sakay ng Vios at pinalibutan siya.

Isa pa sa mga ito aniya ay nagpakilalang pulis, at binantaang kilala siya ng mga ito at kung saan siya namamalagi.

Ilang beses aniya siyang sinaktan ng mga ito nang magmatigas siya, habang nagpaputok ng baril ang isa sa mga kanila ngunit tinutok ito sa lupa.

Dito na siya kinaladkad patungo sa nasabing Vios, kung saan muling hinanap sa kaniya ang napanalunang P200,000 na premyo.

Tinangka pa aniya ng isa sa mga suspek na maglagay ng shabu sa kaniyang bulsa, ngunit hindi naman ito naituloy.

Pinag-iisipan na aniya ng mga suspek ang pagpatay sa kaniya ngunit nagdesisyon ang mga ito na buhayin pa siya, kaya kalaunan ay pinakawalan din siya ng mga ito at nag-taxi na lamang siya pauwi.

Binantaan pa siya ng mga suspek na pupuntiryahin naman ang kaniyang pamilya kung ito ay magsusumbong sa mga pulis.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.