“Telework Day” idedeklara sa Japan bilang paghahanda sa Tokyo 2020 Olympics

By Kabie Aenlle April 21, 2017 - 04:19 AM

 

Mula sa shutterstock

Idineklara sa Japan ang tinatawag na “Telework Day,” kung saan ang mga commuters ay hinihimok na magtrabaho sa kanilang mga tahanan, o mag-“work from home.”

Ito ay bilang paghahanda ng Tokyo sa gaganaping 2020 Olympics.

Nais sana kasi ng pamahalaan ng Japan na magkaroon ng nationwide exercise ang kanilang mga mamamayan para mabawasan ang sikip ng daloy ng trapiko sa Tokyo sa 2020 Olympics.

Ayon sa Japan Internal Affairs Ministry, isasagawa ang Telework Day sa July 24, eksaktong tatlong taon bago ang nasabing palaro.

Ganito din ang ginawa ng London noong 2012 Olympics, kung saan 80 percent ng mga negosyo ang nakisama sa naturang hakbang.

Kilala kasi ang Tokyo sa pagkakaroon ng siksikang mga tren at subways lalo na tuwing rush hours.

Ayon kay Internal Affairs Minister Sanae Takaichi, inaasahan na nila ang seryoso at napakatinding trapiko sa Tokyo 2020 Olympics.

Dahil dito, naniniwala silang malaki ang maitutulong nito pagpapagaan ng daloy ng trapiko at dagsa ng mga commuters sa mass transportation systems.

Sa ngayon, mahigit animnapung kumpanya na tulad ng Suntory, Japan Airlines at Microsoft ang nangako ng kanilang partisipasyon.

Bahagi rin ang nasabing panukala sa plano ni Prime Minister Shinzo Abe na baguhin ang pagiging workaholic ng mga Japanese, kung saan mahahabang oras ang kanilang ginugugol sa trabaho.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.