Pagpapalaya sa nakadetineng Kadamay members, ipinag-utos ng QC court

By Mariel Cruz April 13, 2017 - 12:55 AM

kadamay11Ipinag-utos na ng Quezon City Metropolitan Trial Court Branch 38 ang pagpapalaya sa mga nakadetineng miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap o KADAMAY.

Ito ay matapos makapaglagak ang naturang KADAMAY members ng piyansa na nagkakahalaga ng P7,000 bawat isa.

Tumagal ng sampung araw ang pagkakakulong sa apatnapung miyembro ng KADAMAY sa Camp Karingal dahil sa mga kasong trespassing at grave coercion.

Ayon kay Atty. Kathy Panguban, legal counsel mula sa ational Union of Peoples’ Lawyers, una ay P14,000 ang halaga ng piyansa.

Pero naghain aniya sila ng motion to reduce para sa naturang piyansa dahil ang mga ikinulong ay miyembro ng urban poor community.

Sinabi ni Panguban na matapos pagbigyan ang naturang mosyon, ibinaba ng korte sa P7,000 ang piyansa, kung saan kabuuang P320,000 ang inilagak para sa apatnapung indibiduwal na ikinulong.

Ayon kay QCPD Director Chief Supt. Guillermo Eleazar, ngayon ay patuloy nilang pinoproseso ang pagpapalaya sa naturang mga miyembro ng KADAMAY.

Matatandaang noong nakaraang linggo, inapela ni Social Welfare Sec. Judy Taguiwalo ang agarang pagpapalaya sa walong senior citizens na kasama sa mga kinasuhan at ikinulong.

Samantala, nilinaw ni Atty. Panguban na sa kabila ng provisional liberty, mananatili pa rin nakahain ang mga kaso laban sa KADAMAY members, at nakatakda aniya ang kanilang arraignment sa May 8.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.