2018 Winter Olympic slot ni Michael Martinez, hindi pa tiyak ayon sa Philippine Skating Union

Posted in: Featured, Latest News, Sports

2018 Winter Olympic slot ni Michael Martinez, hindi pa tiyak ayon sa Philippine Skating Union

By:

MICHAEL MARTINEZ 2
INQUIRER FILE PHOTO

Taliwas sa unang napabalita, hindi pa sigurado na pasok na ang Pinoy Figure Skater na si Michael Martinez sa 2018 Winter Olympics sa Pyeongchang, South Korea.

Ito ang kinumpirma ng Philippine Skating Union (PHSU) kahit pa kabilang na si Martinez sa Top 24 sa World Skating Championships na ginanap sa Helsinki, Finland.

Lahat ng pasok sa Top 24 ay otomatikong may ticket na para sa Winter Olympics.

Nagtapos si Martinez sa No. 24 sa naturang kumpetisyon kung saan nakapagtala ito ng iskor na 196.79.

Pero ayon sa PHSU, nakasaad sa rulebook ng Skating International Federation na kapag dalawang atleta mula sa isang bansa ang nakapasok sa Top 13, maaari silang makapagsama ng isa pang atleta sa Winter Olympics.

Sa naging resulta ng kumpetisyon, dalawang atleta mula sa Japan, Canada, United States at Russia ang nakapasok sa Top 13.

Ibig sabihin, maaari magsama ang naturang mga bansa ng isa pang atleta na mabibigyan din ng ticket sa Winter Olympics.

Kasabay nito, posibleng maalis si Martinez sa 24th spot dahil sa mga madadagdag na atleta.

Pero nilinaw ng PSHU na mayroon pang tsansa si Martinez na makapasok sa Winter Olympics kung mapapabilang ito sa Top 6 sa Nebelhorn Trophy qualifiying game na gaganapin naman sa Germany sa Setyembre.

Leave a comment