Holdaper na nanaksak ng taxi driver, arestado at pinagtulungang bugbugin ng taumbayan sa Sampaloc, Maynila

March 19, 2017 - 08:02 AM

 

Kuha ni Cyrille Cupino
Kuha ni Cyrille Cupino

Pinagtulungang bugbugin ng taumbayan ang isang lalaki matapos mangholdap at manaksak ng taxi driver sa Sociego St., Brgy. 586, Sampaloc, Maynila.

Arestado ang suspek na si Arnel Lubaton, 36-anyos, na sumakay umano sa taxi sa bahagi ng Banawe, Quezon City.

Pagdating sa bahagi ng Sampaloc, doon na umano nagdeklara ng holdap ang suspek at saka pinagsasaksak sa leeg ang biktimang si Rolando Santos ng Loribelle Taxi na may plakang UVR 880.

Sakto namang pagdating ng dalawang tricycle driver at napansin ang komosyon sa loob ng taxi.

Bumaba mula sa taxi ang suspek at tumakbo, pero hinabol ito ng mga tricycle driver saka kinuyog ng taumbayan.

Duguan at nagtamo ng mga pasa sa mukha at katawan ang suspek.

Narekober rin mula sa suspek ang gunting na ginamit sa pananaksak sa biktima.

Nakakulong na sa Gulod Police Station ang suspek na nakatakdang sampahan ng kaso.

Nagpapagaling naman ngayon sa Ospital ng Sampaloc ang taxi driver.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.