Mighty Corp., hindi basta-basta makakalusot ayon kay Panelo
Sa kabila ng pagpapabayad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagawaan ng sigarilyo na Mighty Corporation ng P3 bilyon bilang kompromiso sa kanilang tax deficiency, hindi pa rin sila basta-basta makakalusot sa batas.
Ayon kay chief presidential legal counsel Salvador Panelo, ang pahayag na iyon ng pangulo ay isa lamang “general statement,” at depende pa aniya ito sa kung ano ang nakasaad sa batas.
Aniya, anuman ang sabihin ng pangulo ay laging naka-angkla sa kung ano ang sinasabi ng batas, at naka-depende rin sa kung ano ang mga kundisyong ibinibigay ng batas.
Kailangan muna aniyang makipag-usap ng Mighty sa Bureau of Internal Revenue (BIR) para tanungin kung kwalipikado ba sila na pumasok sa isang kasunduan bilang kompromiso sa kanilang tax deficiencies.
Ani Panelo, para maging kwalipikado ang Mighty sa ganitong kasunduan, kailangang mayroong “reasonable doubt” sa mga alegasyon laban sa kumpanya.
Maliban dito, wala dapat kasamang fraud sa mga paglabag na nagawa ng kumpanya.
Paliwanag naman ni Panelo, sakali man na doblehin ng Mighty ang P1.5 bilyong tax deficiency nila, hindi pa rin ito nangangahulugan na makakalusot na sila sa kasong kriminal.
Posible aniyang ang civil aspect lamang ng kaso ang mareresolbahan nito, ngunit hindi ang kasong kriminal na maaring isampa sa kanila.
Dagdag pa ni Panelo, ang ibig sabihin lang ng pangulo sa kaniyang pahayag ay na magbayad muna ang Mighty ng kanilang tax deficiency bago siya magiging bukas sa pakikipag-usap.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.