Informal settlers na sumugod sa pabahay sa Bulacan, pinaaalis na

By Kabie Aenlle March 11, 2017 - 06:04 AM

Kuha ni Jomar Piquero
Kuha ni Jomar Piquero

Binigyan na lamang ng pitong araw ng National Housing Authority (NHA) ang mga pamilya ng mga informal settlers na biglang lumusob at umokupa sa mga bakanteng pabahay ng gobyerno sa Bulacan, para lisanin ang mga bahay na ito.

Ito ay dahil ayon sa NHA, nakalaan na ang mga bahay na ito sa iba pang mga mahihirap na pamilyang tinutulungan rin ng gobyerno.

Ayon kay NHA Central Luzon manager Rommel Alimboyao, sinabi nila sa mga naturang pamilya sa kanilang dayalogo na pinamunuan ng lokal na pamahalaan ng Bulacan, na maglalabas na sila ng eviction notices sa susunod na linggo.

Gayunman, tiniyak naman ni Alimboyao na tutugunan nila ang mga applications for housing ng mga naturang pamilya, na ang dinadaing ay ang hindi anila pagpansin ng gobyerno sa kanilang pangangailangan.

Noong Miyerkules, lumusob ang mga mahihirap na pamilya mula sa Metro Manila kasama ang mga miyembro ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa mga pabahay ng gobyerno sa Villa Elise sa Brgy. Masuso, Pandi Village 2 sa Brgy. Mapulang Lupa, Villa Louise sa Brgy. Cacarong Matanda at Padre Pio sa Cacarong Bata sa bayan ng Pandi, pati na ang ilang bahay sa San Jose Heights sa San Jose del Monte City.

Ayon kay Army 48th Infantry Battalion commander Col. Ramil Anoyo, ilan sa mga bahay na ito ay inilaan na rin para sa mga pulis at sundalo.

Samantala, iniimbestigahan pa naman ng NHA ang mga ulat ng umano’y posibilidad na ang paglusob ng mga informal settlers sa mga pabahay ay isang bahagi ng kilusan para siraan ang administrasyong Duterte.

Iginiit naman ni Kadamay national chair Gloria Arellano na walang nagma-manipula sa kanila, at nagawa lang nila ito dahil naiinip na sila sa pagtugon ng gobyerno sa kanilang apela na magka-bahay.

Nanawagan rin siya sa NHA na kung maari ay patirahin muna doon ang mga pamilya habang inaasikaso pa ang kanilang mga housing applications.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.