CPP, kinondena ang pagpapabomba ni Duterte sa NPA

March 11, 2017 - 01:19 AM

CPP-NPABinatikos ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang pag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan sa mga pulis at militar na bombahin ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA).

Sa isa kasing pahayag, hinimok ng pangulo ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na gamitin lahat ng mga kagamitan, tulad ng mga bagong aircraft, at rockets para atakihin ang mga NPA.

Sakali aniyang magkaroon ng mga “collateral damage” tulad ng mga sibilyan na posibleng masawi, “I’m sorry” na lamang ang nasabi ng pangulo.

Sa inilabas na pahayag ng CPP, inilalagay ni Duterte sa kapahamakan ang libu-libong katao sa kaniyang kautusan sa AFP na bombahin ang mga NPA.

Anila pa, hanggang sa kasalukuyan ay wala pa namang naisasagawang matagumpay na aerial bombings at shellings ang AFP laban sa mga guerilla, bagkus ay nasasaktan lamang ang mga sibilyan na kailangan pang lumikas mula sa kanilang mga komunidad.

Nagdudulot din anila ito ng malaking pinsala sa mga agricultural fields, sa kalikasan at lalo na sa mga pinagkukunan ng tubig.

Ipinunto rin ng CPP kay Duterte na lagi namang nagsasagawa ng aerial bombing ang AFP gamit ang mga jetfighters at helicopter gunships, dahilan para kailanganing lumikas ng mga residente.

Noong February 11 lang anila ay nasa 100 pamilyang Lumad ang lumikas dahil sa pambobomba ng AFP sa Brgy. Datal Anggas sa Alabal, Saranggani, habang pinaulanan naman nila ng bala ang tatlong barangay sa Compostela Valley kung saan 1,000 pamilya naman ang lumikas.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.