De Lima, ipinagtanggol ng isang international human rights group

By Mariel Cruz February 19, 2017 - 03:00 PM

de-limaHinimok ng isang international human rights group ang pamahalaan na ibasura ang “politically motivated” na kasong may kinalaman sa iligal na droga laban kay Sen. Leila de Lima.

Ayon sa Human Rights Watch (HRW), inaabuso ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang judicial system para maparusahan ang bumabatikos sa kanyang war on drugs.

Matatandaang pinangunahan ni De Lima ang isang pagdinig sa Senado ukol sa umano’y brutal na kampanya ng pangulo kontra iligal na droga.

Sinabi ni HRW deputy Asia director Phelim Kine na ang kasong isinampa laban kay De Lima ay bahagi umano ng tila pamamahiya at pananakot ng gobyerno sa senadora.

Kilala si De Lima na isa sa mga tahasang bumabatikos sa anti-drug crackdown ng pamahalaan.

Ayon sa international group, unang ginawang pagbuwelta ni Pangulong Duterte kay De Lima ay ang pagbunyag nito na may relasyon ang senadora sa kanyang dating driver-bodyguard na si Ronnie Dayan.

Mas lalo pa aniyang lumala ang mga pag-atake ni Duterte sa senadora matapos iharap ni De Lima sa Senado ang self-confessed hitman na si Edgar Matobato kung saan inakusahan nito ang pangulo na nag-utos ng mga pagpatay noong siya pa ang alkalde ng Davao City.

Ipinunto pa naman ni Kine na lahat ng pro-Duterte senators ay tinawag na “biased” si De Lima at tinanggal pa ang senadora bilang chairman ng Senate justice committee.

Noong nakaraang Biyernes, naghain ang DOJ ng mga kasong may kinalaman sa droga laban kay De Lima, batay sa testimonya ng ilang high-profile inmates na nag-akusa sa senadora na tumanggap ng drug money noong siya pa ang Justice Secretary.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.