‘Routine’ patrol ng US sa South China Sea, nagsimula na

By Mariel Cruz February 19, 2017 - 01:59 PM

china south china sea
FILE PHOTO

Sinimulan na ng US aircraft carrier na USS Carl Vinson ang tinatawag nilang ‘routine’ patrol sa South China Sea ngayong araw.

Ito ay matapos balaan ng foreign ministry ng China ang Washington laban sa paghamon nito sa kapangyarihan ng Beijing sa rehiyon.

Marami nang pinag-aagawang isla at bahura sa lugar ang tahasang inangkin ng China.

Nagsimula na rin magtayo ang China ng mga artificial island na may airstrip sa South China Sea.

Huling nagpatrulya ang USS Carl Vinson sa South China Sea dalawang taon na ang nakalilipas para sa navy at airforce exercises ng Malaysia.

Umabot na rin sa labing anim na beses na naglayag ang naturang carrier sa rehiyon sa loob ng tatlumpu’t limang taon nito sa US navy service.

Matapos maupo ni Donald Trump bilang bagong pangulo ng Amerika noong January 20, isa sa ipinangako nito ang pagbabawal sa China na mang-angkin ng teritoryo sa South China Sea.

Noong nakaraang Miyerkules, hinimok ni Chinese foreign ministry spokesman Geng Shuang ang US na wag gumawa ng anumang hakbang na hahamon sa kapangyarihan at seguridad ng China.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.