CPP-NPA, bukas sa pagpirma ng bilateral ceasefire agreement sa pagitan ng gobyerno

By Mariel Cruz February 19, 2017 - 12:33 PM

GRP-CPPBukas ang Communist Party of the Philippines (CPP) sa pagpirma ng isang bilateral ceasefire agreement sa pagitan ng kanilang grupo at ng gobyerno.

Sa isang pahayag, sinabi ng CPP na maaaring ituloy ang naunang itinakdang pulong sa The Netherlands para pag-usapan ang bilateral ceasefire agreement sa February 22-27.

Ito aniya ay kung magdedesisyon si Pangulong Rodrigo Duterte na magpadala ng negotiating panel ng gobyerno.

Muling inihayag ng CPP at ng New People’s Army (NPA) ang kanilang pagsuporta sa tuluyang pagpirma sa isang bilateral ceasefire argeement.

Inamin naman ng CPP na ang negosasyon sa detalye ng ceasefire agreement ay isang mahirap na hamon.

Pero sa kabila nito, kumpiyansa naman ang CPP na makakamit pa rin ang kapayapaan sa pagitan ng gobyerno at komunistang grupo.

Handa aniya silang makipagtulungan sa GRP negotiators para tuluyan nang magkasundo para sa isang bilateral ceasefire agreement.

Kasabay nito, ipinag-utos ng CPP sa NPA ang agarang pagpapalaya sa mga sundalo at pulis na kanilang binihag sa nakalipas na mga araw.

Samantala, umapela naman ang CPP sa gobyerno na tiyakin ang ligtas na biyahe ng NDF consultants para sa bilateral ceasefire agreement negotiations.

Kamakailan ay binawi ni Pangulong Duterte ang indefinite unilateral ceasefire ng gobyerno at kinansela ang negosasyon pangkapayapaan kasunod ng ginawang anunsiyo ng NPA na tinatapos na nila ang ceasefire noong February 10.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.