“De Lima: Political Prisoner o Bilibid Drug Queen?” – sa ‘WAG KANG PIKON ni JAKE MADERAZO

February 19, 2017 - 10:54 AM

de-limaNgayong Lunes, ira-raffle ang kasong illegal drugs laban kay Sen. Leila de Lima sa Muntinlupa RTC. Inaasahan ding maglalabas agad agad ng warrant upang siya’y arestuhin. Pwede ring tagalan ng judge bago siya magdesisyon.

Sabi ng LP at VP Leni Robredo, ito’y paghihiganting pulitikal lamang. Ayon naman kina LP Sen. Riza Hontiveros at Bam Aquino, ito’y harassment at pambabastos sa hustisya.

Ayon naman kay De Lima, inosente siya at hindi kailanman nasangkot sa “illegal drugs”. Handa rin niyang labanan ang Duterte administration sa abot ng kanyang makakaya.

Sa gobyerno, malakas daw ang ebidensya na sangkot sina De Lima sa illegal drugs sa Bilibid, dating Bucor director Franklin Bucayu, NBI deputy director Rafael Ragos, driver niyang si Ronnie Dayan, dating aide Joenel Sanchez, inmate Jaybee Sebastian at pamangking si Jose Adrian Dera.

Ang iba pang kasong kriminal laban kay De Lima tulad ng anti-graft, “bribery” at “indirect bribery” ay inendorso ng DOJ sa Ombudsman para litisin. Hindi rin isinama sa kaso si dating Justice Undersecretary Fransisco Baraan dahil daw sa kawalan ng ebidensya.

Kung susuriin, walang pupuntahan si De Lima kundi kulungan sa mga susunod na araw. Kung sa Bicutan jail siya ilalagay, makakasama niya si dating Enrile chief of staff Gigi Reyes; kung sa Women’s correctional, makakasama niya si Janet Lim Napoles. Kung sa Camp Crame detention facility, kasama niya sina Senador Jinggoy Estrada at Bong Revilla. Mga taong pinakulong niya noong siya’y DOJ secretary.

Mahirap pong husgahan si De Lima kahit napanood na nating lahat ang mga detalye nito sa mga televised Senate investigations. Ang problema lamang, hindi niya sinagot ang mga alegasyon.

Ngayong naisampa na ang kaso laban sa kanya at “imbentong alegasyon” ang pag-uusapan, hindi maiiwasang ikumpara ang DOJ niya at DOJ ngayon.

Halimbawa, taas kilay ang marami kung bakit sunud-sunod na pinawalang sala sina dating Pangulong PGMA at halos lahat ng mga taga-PCSO. Bakit nadismis ang kaso ni dating Comelec chairman Ben Abalos Sr. na electoral sabotage? Bakit nakalusot din si NEDA Sec. Romulo Neri sa NBN ZTE deal? Bakit nadismis ang mga kaso ni fertilizer scam mastermind Jokjok Bolante? Ngayon naman pati kasong serious illegal detention ni Janet Napoles, madidismis din? Mahihina ba ang mga kasong isinampa noon ni Sec. De Lima o “imbento rin ang mga alegasyon”?

Sa simpleng mamamayan, isang matinding “judicial battle” ang mapapanood natin. Ang gusto ng kampo ni De Lima, dalhin ang kaso sa kakamping si Ombudsman Conchita Morales. Pero, ang DOJ, pinaghati ang kaso, illegal drugs sa RTC at “bribery-anti-graft” sa Ombudsman.

Nanahimik si Sen. De Lima sa lahat ng mga public hearings, ngayon ang “korte” na ang tamang lugar para ipagtanggol niya ang sarili. At siyempre, tulad ng inaasahan, nais malaman ng taumbayan kung ano ang kanyang mga bersyon sa mga bintang ng mga drug lords, lovers at mga kagalit na sinibak niya sa NBI.

Mahaba-habang labanan talaga ito, pero ang masakit, matagal na hihimas ng bakal si Madam hanggang tuluyang mapawalang sala. Kung ang Aquino administration ay sinibak ang “sitting “ Chief Justice, ang Duterte administration naman ay pinakulong ang dating Justice Secretary at incumbent Senator.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.