WATCH: Dalawang insidente ng pamamaril naganap sa Pasig at Navotas

By Jong Manlapaz January 26, 2017 - 10:18 AM

Kuha ni Jong Manlapaz
Kuha ni Jong Manlapaz

Dalawang insidente ng pagpatay ang naganap sa magkahiwalay na lugar sa Pasig City at sa Navotas City.

Sa Barangay Manggahan sa Pasig, patay matapos pagbabarilin ang biktimang si Reggie Dizon, 28-anyos sa bahagi ng MRR road.

Sa kwento ng kanyang tiyuhin na si Marcelo Jamie, bumili lang ng sigarilyo sa tindahan ang kanyang pamangkin na nasa tabi ng kanilang bahay nang ito ay lapitan ng riding-in-tandem at saka pinagbabaril sa ulo hanggang sa mapatay.

Pasubsob na bumagsak ang biktima dahil papasok na sana siya ng bahay para matulog nang maganap ang insidente.

Sa pagsasalarawan ni Mang Marcelo, may takip ang mukha ng isa sa suspek habang nakahelmet naman ang isa.

Si Dizon ay nagtratrabaho sa isang warehouse ng alak sa Pasig, pero ayon sa barangay minsan na umanong nagkakaso ang biktima na may kaugnayan sa bawal na gamot at hindi nila alam kung ito ay sumuko sa Oplan Tokhang.

Isang bangkay naman ng lalaki ang natagpuan sa Phase 1-C Sawata, Barangay NBBS, Navotas bago mag alas 3:00 ng madaling araw ng Huwebes.

Hindi pa nakilala ang lalaki na tinatayang nasa edad 25 hanggang 30 at nakasuot ng puting sando at stripes na short.

Ayon kay SPO2 Pol Roma, imbestigador ng Navotas City police, maliban sa tama ng baril sa ulo nakitaan din ng palatandaan na pinahirapan muna ang biktima dahil may mga pasa ito sa mata.

Sa crime scene walang nakuhang basyo ng baril kaya posible umanong sa ibang lugar pinatay ang biktima.

 

TAGS: Navotas City, Pasig City, Shooting Incident, Navotas City, Pasig City, Shooting Incident

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.