Kontrata sa MRT-LRT common station, iimbestigahan ng Kamara

By Kabie Aenlle January 20, 2017 - 04:22 AM

mrt-lrtDahil nababahala ang Kamara na baka malugi ang publiko sa gagawing common station ng Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT) sa Quezon City, sisiyasatin ng mga mambabatas ang P2.8 bilyong halaga ng kontrata na bumubuo dito.

Ayon kay House Speaker Pantaleon Alvarez, pag-aaralan ng Kamara ang mga costs and benefits ng nasabing proyekto na magdudugtong sa LRT at MRT para matiyak nilang hindi mapagsasamantalahan ang mga commuters.

Hindi rin gaanong natutuwa si Alvarez sa pagkakalagda sa nasabing proyekto dahil masyado aniyang malaki ang gagastusin ng pamahalaan dito.

Dahil dito, babantayan aniya nila nang maigi ang nasabing proyekto upang matiyak na wala nang iba pang gagastusin ang pamahalaan dito, at na para talaga ito sa kapakanan ng mga pasahero.

Itatayo ang nasabing common station sa lugar kung saan nagtatagpo ang EDSA at North Avenue, sa pagitan ng SM North Edsa at Trinoma.

Pagdudugtungin nito ang MRT-3, LRT-1 at MRT-7 na tatakbo mula Quezon City hanggang San Jose del Monte City sa Bulacan pagdating ng 2020.

Iginiit naman ng Department of Transportation (DOTr) na ang kapakanan ng mga commuters ang kanilang pangunahing ikinunsidera sa pagpapatuloy ng proyektong halos walong taong naantala.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.