4 na ang patay sa Valisno bus accident sa Quezon City

August 12, 2015 - 04:05 PM

 

Kuha ni Jun Corona

Apat na ang kumpirmadong patay samantalang nasa  labing-lima ang sugatan sa aksidenteng kinasangkutan ng Valisno Bus sa Qurino Highway sa boundary ng Caloocan at Quezon City.

Binangga ng Valisno Bus na may plate number TXV-715 at biyaheng Grotto sa San Jose del Monte Bulacan ang arko na naghahati sa Caloocan at Quezon City.

Ayon sa Quezon City Police, dalawa ang agad na nasawi on-the-spot sanhi ng aksidente.

Samantalang nasawi sa Tala General Hospital ang iba pang biktima na una nang isinugod doon.

Ayon sa nasugatang kundoktor na si Ferdinand Dacusan, nagche-check siya ng ticket habang binabagtas ng bus ang Quirino Highway at nagulat na lang siya nang bigla silang bumangga.

Sa lakas ng pagkakabangga, wasak na wasak ang kanang bahagi ng bus at natapyas din ang harang sa kanang bahagi ng nasabing pampasaherong sasakyan.

Ayon kay SPO1 Ferdinand Paglinawan ng Quezon City Traffic Sector 2, nakilala ang biktimang dead on the spot na si Eduardo Gabon, 39 anyos na residente ng Tala, Caloocan samantalang nananatiling walang pagkakakilanlan ang babaeng nasawi sa pinangyarihan ng aksidente.

Namatay naman habang ginagamot sa Tala hospital si Arsenio Bacaba at Alberto Polgeo.- Jan Escosio/Erwin Aguilon/Jong Manlapaz

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.