“Adik, “Five-Six” At Sugal” – sa “WAG KANG PIKON” ni JAKE MADERAZO

By Jake Maderazo January 15, 2017 - 11:50 AM

sir jakeMatindi ang plano ng Duterte administration na sabay-sabay lutasin ang mga malalaking problema sa adik, 5/6 at sugal ng mga mamamayan ngayong 2017. Mga katiwaliang kinunsinti at kinwartahan ng maraming otoridad sa nakalipas na panahon.

Bakit dumami ang “Bumbay”? Hindi ba’t dahil naging pabaya o nalagyan ang mga taga-Bureau of Immigration, Dept. of Finance, DILG at mga mayors sa nakalipas na panahon? Sa aking pagkakaalam, malakas din ang lobby group nitong mga bumbay sa Immigration at maging sa mga pulis. At siyempre meron din silang “regular na intelehensya”. Sino ang nakinabang diyan mula nang maupo si Duterte?

Sa isyu ng droga, bakit nga ba umabot ng 4M ang mga adik sa bansa? Hindi ba’t dahil mga mismong pulis, pataas hanggang General ang “pusher” at sindikato?

Ngayong 2017, tatapusin na raw ni PNP chief Ronanld de la Rosa ang problema ng droga. Bukod diyan, magkakaroon na ng mga “regional rehab centers” para sa mga adik bukod pa sa mga mega rehab sa Fort Magsaysay at iba pa.

Pero, matatapos nga ba ang droga kung ganitong iilan pa lang “big time” druglords ang nasasakote? Ano na ang nangyari sa babaeng drug supplier ni Kerwin Espinosa na ilang beses niyang binanggit sa Senate at house hearings. Si Lovely Adam Impal ay sumuko noong Dec. 8 kay Gen. Bato, pero nakakapagtakang hindi nai-prisinta sa media. Bukod diyan, ni-release ito sa custody Dec. 16 nang walang kasong naisampa. Bakit?

Nasaan na ang mga “ninja cops”? Bakit wala pang nasisibak na mga heneral, koronel at iba pa na sangkot sa droga matapos ang 6 months ni Gen. Bato? Puro lang ba porma si Bato pero wala namang aktwal na paglilinis sa mga corrupt na pulis na nakinabang sa droga? Mr. General, tigilan niyo na ang pag-emote sa media at simulan nang walisin ang PNP sa mga corrupt. Parang nawawala na ang bilib ng tao sa inyo.

Isa pa, bakit laganap pa rin ang “jueteng”, “bookies sa karera”, illegal jai-alai, masiao at iba pa? Hindi ba’t dahil sa protection money ng mga police directors sa Crame pababa sa bawat presinto mula sa kilalang jueteng lords?

Ngayon, pagtutuunan na raw ito ng pansin. Isipin niyo, 6 na buwan nang nakaupo itong Duterte administration at maswerte ang mga gambling lords na namayagpag din at hindi nagalaw. Kanino kaya napunta ang regular na “intelehensya” para sa mga opisyal ng PNP mula July hanggang Disyembre? Imposible namang walang tumanggap, hindi po ba?

Maganda ang balak ni Presidente, ilagay lahat ng legal sa ilalim ng STL at ang benepisyo’y mapupunta sa PCSO at sa mga mahihirap na maysakit. Pero, magkatotoo kaya ito?  Habang dinedebate ang isyu at ang “status quo” ang umiiral, tuloy ang intelehensya ng mga pulis mula sa jueteng lord.

Sa kabuuan, maganda ang mga plano ni Duterte laban sa droga, five six at ilegal na sugal. Ang kaso, lahat ng ito’y “dilihensyahan” ng mga opisyal ng PNP kaya’t napakarami na ang nagsiyaman sa pwesto dahil dito. At ang matinding kwestyon, makontento kaya sa dobleng sweldo ang mga pulis at talikuran ang corruption? Parang di yata ako maniniwala!

TAGS: Droga, Five/Six, Sugal, Droga, Five/Six, Sugal

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.