Agawan ng pwesto sa minorya ng Kamara umabot na sa Supreme Court

November 15, 2016 - 03:30 PM

Magnificent 7
Photo: Isa Umali

Ini-akyat na ng mga miyembro ng tinaguriang “Magnificent 7” sa Korte Suprema ang usapin sa kung sino ang nararapat na tumayong minority leader ng Mababang Kapulungan ngayong 17th Congress.

Sa isang pulong balitaan, kinumpirma ni Albay Rep. Edcel Lagman na nakapaghain na ang kanilang grupo ng petition for mandamus sa Supreme Court noong October 14.

Respondents sa petisyon sina House Speaker Pantaleon Alvarez, Majority Leader Rodolfo Farinas at tumatayong Minority Leader na si Danilo Suarez.

Sinabi ni Lagman na iginigiit ng Magnificent 7 sa Mataas na Hukuman na si Ifugao Rep. Teddy Baguilat ang kilalanin bilang Minority Leader at hindi si Suarez dahil mistulang kaalyado siya ng supermajority ng Kamara.

Nakasaad pa sa petisyon, si Baguilat ang malinaw na runner-up ni Alvarez noong botohan para sa speakership habang si Suarez ay third placer lamang noon.

Katwiran pa ni Lagman, si Suarez ay inihalal lamang ng grupo ng mga kongresista na bumubuo ng pseudo minority at ilang linggo matapos ang botohan ay nagsibalikan na rin naman sa supermajority.

Ang mga nag-abstain naman na House members sa speakership ay hindi umano dapat na pinaboto kay Suarez dahil independent members of the house na dapat ang mga ito.

TAGS: baguilat, Congress, lagman, minority leader, suarez, Supreme Court, baguilat, Congress, lagman, minority leader, suarez, Supreme Court

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.