Pagkamatay ni Espinosa, hindi na ikinabigla ni Duterte

By Kabie Aenlle November 10, 2016 - 01:40 AM

 

duterte japanHindi na ipinagtaka ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkasawi ni Albuera Mayor Rolando Espinosa na dati na niyang inakusahan ng pagkakasangkot sa kalakalan ng iligal na droga.

Ayon kay Pangulong Duterte, bakit pa siya magtataka sa nangyari, gayong si Espinosa ay isang empleyado ng pamahalaan na ginagamit ang kaniyang opisina at pera ng gobyerno para gumawa ng shabu at sirain ang buhay ng milyun-milyong mga Pilipino.

Kaya naman aniya, ano pa ba ang dapat niyang sabihin tungkol dito?

Ayaw pa naman ng pangulo na husgahan ang ginawang hakbang ng pulisya sa ngayon.

Ito ang pahayag ng pangulo sa kabila ng ulat ng Leyte police provincial Internal Affairs Service (IAS) na sumalungat sa mga sinabi ng isang team mula sa Criminal Investigation and Detection Group-Region 8 (CIDG-8).

Ang CIDG-8 ang sumalakay sa piitan nina Espinosa at isa pang inmate na si Raul Yap na nasawi rin sa nasabing raid.

Ibinase ng IAS ang kanilang report mula sa salaysay ng iba pang mga inmates, kung saan sinabi ng mga ito na hindi talaga armado si Espinosa at wala namang naganap na shootout.

Una na kasing sinabi ng CIDG na pinaputukan sila ng dalawa kaya sila gumanti ng putok na ikinasawi ng mga ito.

Samantala, magsasagawa naman ng hiwalay na imbestigasyon ang Philippine National Police-IAS at ang National Police Commission (NAPOLCOM) kaugnay ng insidente.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.