Krisis sa tubig sa Metro Manila, nagbabanta

By Jay Dones November 01, 2016 - 02:33 AM

 

Mula sa inquirer

Nagbabanta ang malawakang krisis sa tubig sa Kalakhang Maynila kung hindi makakahanap ng alternatibong pagkukunan ng suplay ng tubig ang pamahalaan bukod pa sa Umiray-Angat-Ipo reservoir o Angat reservoir system.

Ayon sa Maynilad Water Services Inc.,  hanggang sa kasalukuyan ay wala pang konkretong proyektong nabubuo ang gobyerno na maaring ipandagdag sa pinagkukunan ng tubig sa kasalukuyan ng mga taga- Metro Manila.

Kung hindi matutugunan ang sitwasyon, malaki ang posibilidad na kapusin ang suplay ng tubig ang nasa 15 milyong residente ng Metro Manila sa loob ng apat na taon o sa taong 2020.

Paliwanag pa ni Maynilad president and CEO Ramoncito Fernandez, sa panayam ng Inquirer,  malaki ang posibilidad na maapektuhan rin ang suplay ng tubig ng Metro Manila dahil sa climate change.

Bukod pa dito, nadaraanan rin aniya ng West Valley Fault ang Angat kaya’t posible itong maapektuhan sakaling magkalindol.

Kung maganap aniya ang kalamidad, mawawalan ng suplay ng tubig ang buong Metro Manila hangga’t hindi naaayos ang Angat at Ipo system.

Samantala, ayon sa Manila Waterworks and Sewerage System (MWSS)  uumpisahan pa lamang ang konstruksyon ng Kaliwa Dam sa General Nakar, Quezon na makakatulong sana na mapunan ang magiging kakapusan ng suplay ng tubig sa 2020.

Dapat sana ay nagsimula ito noong 2015 at matatapos sa 2020.

Gayunman, sa halip na sa 2020, binago na ang timetable ng konstruksyon at inaasahang matatapos na sa taong 2022.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.