Independent probe, hiling ng mga kaanak  ng napatay na si Mayor Dimaukom at 9 na iba pa

By Jay Dones October 31, 2016 - 02:42 AM

 

Carlo Agamon/Inquirer

Humihiling ng hiwalay na imbestigasyon ang mga kaanak ng pinaslang na alkalde ng Datu Saudi Ampatuan at siyam na iba pang napatay ng mga pulis noong Byernes sa Makilala, North Cotabato.

Ito’y dahil malakas anila ang kanilang paniniwala na isang rubout ang nangyari at hindi shootout tulad ng ipinapalabas ng mga otoridad.

Ayon sa mga kaanak ng biktimang si Mayor Samsudin Dimaukom at siyam pang napatay sa umano’y encounter, magiging ‘self-serving’ ang imbestigasyon kung mga pulis din ang magsasagawa ng imbestigasyon dahil mga alagad ng batas din ang sangkot sa insidente.

Gayunman, ayon kay Interior and Local Government undersecretary for ARMM Nur Hazifullah Abdullah, kanilang hihintayin muna ang magiging resulta ng opisyal na police investigation.

Kung sakali aniyang may bahid ng pagdududa sa resulta, maaring humiling ang mga kaanak ng re-investigation ng kaso o hiwalay na pag-iimbestiga ng isang independent investigating body.

Matatandaang ang sampu kabilang na si Mayor Dimaukom na lulan ng dalawang sasakyan ay napatay makaraan umanong manlaban sa mga anti-drug operatives sa highway ng Bgy. Bulatakan Makilala, North Cotabato.

Karamihan sa mga napatay ay may tama ng bala sa ulo nang isailalim sa otopsiya.

Isa si Dimaukom sa mga tinukoy ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot umano sa iligal na droga na dahilan upang lumantad ito para linisin ang kanyang pangalan.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.