Libreng libing, alok sa mga Manileño pati na sa mga nasawing adik
Nagtayo ang lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Maynila ng mga libingan na nagkakahalagang P90 milyon na columbarium at apartment style na libingan na nakalaaan para sa mga mahihirap nilang residente.
May kabuuang 4,088 na nitso para sa mga urn ng abo, at 1,218 na mga puntod ang bumubuo sa nasabing columbarium na may apat na palapag na nasa Manila North Cemetery.
Ayon kay Manila Mayor Joseph Estrada, hindi sila mamimili sa maaring pagkalooban ng libreng libing dahil kahit pa ang mga nasawing suspek sa iligal na droga ay maaring ilibing doon, basta residente ng Maynila.
Dagdag pa ni Estrada, napuno na ang kapasidad ng Manila North Cemetery, kaya napagdesisyunan ng lokal na pamahalaan na magtayo na lamang ng columbarium upang makatipid sa pwesto.
Mababatid na ang naturang lungsod ang may pinakamaraming talaan ng nasawing suspek sa droga, mula nang mag-umpisa ang mas pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.