Pilipinas, tinanggihan ang alok na kasunduan ng China kaugnay sa Scarborough

By Kabie Aenlle October 27, 2016 - 04:33 AM

 

ScarboroughIlang salita lang ang dahilan kung bakit hindi tinanggap ng Pilipinas ang panukala ng China na pormal na deklarasyon ng pagpayag nito sa mga mangingisdang Pilipino na makabalik sa Scarborough Shoal.

Ayon kay Kabayan Rep. Harry Roque na kasama sa entourage ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang state visit sa China, hindi pumayag ang panig ng Pilipinas dahil sa pagkakagamit ng mga salitang “allow” o “permit” dito sa kasunduan.

Paliwanag ni Roque, kung papayag ang Pilipinas na lumagda sa nasabing kasunduan, tataliwas aniya ito sa naging ruling ng international tribunal na ang naturang common fishing ground ay hindi pag-aari ninuman.

Sa paggamit kasi ng mga salitang “allow” o “permit,” napapalakas ang katayuan ng China na pag-aari nila ang nasabing bahura.

Ito aniya ang dahilan kung bakit hindi ito pormal na inanunsyo at naisalin sa dokumento.

Dagdag ni Roque, sinabi sa kaniya ng isang source mula sa panig ng Pilipinas na naroon sa closed-door meetings, ang tamang mga salita na gagamitin sa kasunduan ang pangunahing dahilan kung bakit hindi ito maisa-pormal.

Pareho naman kasi aniyang pumapayag ang magkabilang panig na dapat hayaan ang mga Pilipino na makapangisda muli sa bahura.

Ani pa Roque, hindi niya matatantya kung kailan maisasakatuparan ang pormal na kasunduan pero umaasa siyang hindi ito magtatagal, at na sana ay makahanap na ng tamang salita na gagamitin dito.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.