Jeepney driver na kinuyog ng mga pulis, nangangamba sa  buhay

By Kabie Aenlle October 24, 2016 - 04:29 AM

 

Kuha ni Erwin Aguilon
Kuha ni Erwin Aguilon

Nangangamba na ngayon para sa kaniyang buhay at kaligtasan ang driver ng jeep na inarkila ng mga nagprotesta sa harap ng US Embassy sa Maynila, na nagulpi ng mga pulis matapos mauwi sa gulo ang rally.

Ayon sa pahayag ng National Union of People’s Lawyers (NUPL), ilang pulis ang biglaang pumunta sa tahanan ni Raymark Sumalbag na sinubukan siyang kwestyunin at papirmahin ng isang dokumento.

Hindi man lang anila ipinaliwanag ng mga pulis kay Sumalbag kung ano ang nilalaman ng dokumentong nais nilang palagdaan sa kaniya.

Sa naganap na rally noong Miyerkules, kinaladkad ng mga pulis pababa ng jeep si Sumalbag at saka siya ginulpi hanggang siya’y mawalan ng malay.

Ibinahagi pa ng NUPL na ilang mga pulis rin ang pumunta sa grupo ng mga nagpo-protesta na Lakbayanis na nasa University of the Philippines – Diliman.

Nagtatanong-tanong umano ang mga ito sa mga nabiktima at nasugatan sa naging marahas na dispersal, ngunit ayaw makipagusap ng mga ito nang walang presensya ng mga abogado.

Dahil dito inanunsyo ng NUPL na sakaling may nais makipag-usap kay Sumalbag o sa mga nasugatan sa dispersal, sa kanila dapat dumirekta ang mga ito.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.