Bilang ng mga sinuspindeng pulis sa gulo sa U.S Embassy nadagdagan pa

By Jimmy Tamayo October 22, 2016 - 10:10 AM

u.s lumadUmaabot na sa animnapung pulis sa Maynila ang sinibak sa pwesto kaugnay ng marahas na dispersal ng mga raliyista sa harap ng US Embassy noong Miyekurles.

Ito’y habang iniimbestigahan ang pangyayari at kung sino ang dapat managot sa insidente na ikinasugat ng ilang mga katutubong Lumad mula sa Mindanao at mga miyembro ng militanteng grupong Bayan.

Kasama sa sinibak ang walong opisyal ng Manila Police District.

Sa kabila nito, ipinagtanggol ni NCRPO Director Chief Supt. Oscar Abayalde ang mga miyembro ng Philippine National Police.

Ayon kay Abayalde, hindi siya naniniwala na ang mga pulis ang magsisimula sa gulo sa isang kilos protesta.

Iginiit ng NCRPO Chief na maaaring sa panig ng mga raliyista nagsimula ang gulo para makakuha ng simpatya sa publiko at para pag-piyestahan ng media.

Gayunman, tiniyak din nito na handa naman nilang panagutin kung sinuman ang mapapatunayan lumabag sa kanilang patakaran na maximum tolerance.

Kaugnay naman ng pangyayari, nagsumite ang MPD ng dalawang video na magpapatunay umano na ang mga nagra-rally na katutubo ang nagsimula ng gulo.

TAGS: abayalde, Lumad, MPD, U.S Embassy, abayalde, Lumad, MPD, U.S Embassy

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.