Anti-crime crusader na pinatay ng 2 pulis, inilibing na

By Kabie Aenlle October 17, 2016 - 05:18 AM

INQUIRER.net / Contributed photo
INQUIRER.net / Contributed photo

Sa kabila ng hindi magandang panahon dala ng bagyong Karen, mapayapa nang nailibing ang mga labi ng anti-crime crusader sa Oriental Mindoro na si Zenaida Luz na pinatay ng dalawang pulis.

Kasabay ng paghingi ng hustisya, ipinagtataka pa rin ng kaniyang mga naiwang kaanak at kaibigan kung bakit walang habas na pinatay si Luz na pinuno ng Citizens’ Crime Watch sa kanilang lugar.

Nakilala ang mga suspek sa pagpatay kay Luz na sina Senior Insp. Magdaleno Pimentel Jr. at Insp. Markson Almarez, na nasugatan pa nang maka-engkwentro ng mga pulis na humabol sa kanila.

Giit ng isang dating guro na kaibigan ni Luz, napakasipag nito at kailanman hindi nasangkot sa iligal na droga.

Samantala, tiniyak naman ni National Police Commission regional officer Owen de Luna sa pamilya ni Luz na paiiralin nila ang batas.

Pinuri rin ni De Luna ang mga pulis sa bayan ng Gloria na mabilis umaksyon nang habulin nila ang mga kapwa pulis na pumatay kay Luz.

Bukod sa pagbibigay seguridad sa mga pulis na humuli kina Pimentel at Almarez na ngayon ay suspendido na, pagkakalooban rin nila ng stress debriefing sessions ang pamilya Luz.

Gayunman, nakiusap naman si De Luna na sana ay hindi kondenahin ang buong pwersa ng pulisya nang dahil sa ginawa ng dalawa nilang kabaro na suspek sa pagpatay kay Luz.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.