Premyadong aktor na si Dick Israel, pumanaw na

By Jay Dones October 12, 2016 - 04:23 AM

 

Mula sa Bandera

(Update) Sumakabilang-buhay na ang beteranong character actor na si Dick Israel.

Sa isang Facebook post, kinumpirma ng kaibigan nitong aktres rin na si Vivian Velez ang pagpanaw ng aktor.

“Remembering his wonderful and gentle soul will forever remain in our hearts. A good heart has stopped beating, a good soul ascended to heaven. RIP Dick Israel,” mensahe ni Velez sa kanyang post.

Si Israel ay nakilala sa kanyang iba’t-ibang kontrabida roles sa higit 220 pelikula at tv shows noong dekada 80’ at 90’s.

Noong 1988, nanalo ito bilang Best Supporting Actor sa pelikulang ‘Patrolman’  sa Metro Manila Film Festival.

1995 naman nang magwagi itong muli sa pelikulang ‘Kanto Boy 2: Anak ni Totoy Guapo sa Famas.

Matagal na nawalan ng balita ang publiko hinggil sa kalagayan ni Israel.

Gayunman, nitong nakaraang buwan ng Hulyo,  nadiskubre ng publiko ang kalagayan nito nang masunugan ito ng kanilang bahay sa Caloocan City nang mag-viral sa social media ang isang larawan nito.

Nalaman rin ng taumbayan na bago nasunugan, na-stroke din ito noong 2010 at noo’y kasalukuyang nagpapagaling.

Dahil sa nag-viral na larawan, bumuhos ang tulong at suporta mula sa kapwa niya mga artista at ordinaryong sibilyan para sa premyadong aktor.

Samantala, nadala na ang mga labi ng aktor sa St. Peter Memorial Chapels sa Araneta Avenue, Quezon City kaninang madaling araw, pero baka mamayang alas-9:00 pa ng gabi simulan ang public viewing.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.