Heart Evangelista di napigilang maging emosyonal sa burol ni Sen. Santiago

By Chona Yu, Den Macaranas October 01, 2016 - 07:16 PM

heart-evangelista-miriam-wake
Inquirer photo

Mula sa Ninoy Aquino International Airport ay kaagad na dumiretso sa Immaculate Concepcion Cathedral sa Cubao, Quezon City ang aktres na si Heart Evangelista kasama ang kanyang asawa na si Sen. Chiz Escudero.

Pagdating sa simbahan ay tuluyan nang bumuhos ang emosyon ng makita niya ang mga labi ng kanyang itinuturing na pangalawang ina na si dating Sen. Miriam Defensor-Santiago.

Makalipas ang halos ay dalawampung minuto ay lumabas ng simbahan ang aktres na nanatiling emosyonal.

Sinabi ni Heart na malaki ang naging bahagi sa kanyang buhay ng dating mambabatas na itinuturing din niyang malapit na kaibigan.

Ang dating senador din ang siyang naging daan para sila magkakilala ni Escudero ayon sa aktres.

Bukod kay Heart, dumagsa ngayong araw ang ilan sa mga kaibigan, kaanak at mga tagasuporta sa burol ng namayapang dating mambabatas.

Kabilang sa mga maagang dumating sa simbahan sina Sen. Gringo Honasan, Bam Aquino at ilang mga kongresista.

Mamayang gabi ay inaasahan naman ang pagdating ni Pangulong Rodrigo Duterte na nauna na ring nagpahatid ng pakikiramay.

Bukas sa ganap na ala-una ng hapon ay ililibing sa Loyola Memorial Park sa Marikina City ang mga labi ni Santiago sa tabi ng kanyang anak na si Alexander na namatay noong 2003.

TAGS: escudero, heart Evangelista, loyola, miriam defensor santiago, escudero, heart Evangelista, loyola, miriam defensor santiago

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.