NPA sa Saranggani at Davao sangkot sa kidnapping ayon sa AFP

By Rohanisa Abbas October 01, 2016 - 06:50 PM

CPP-NPA
Inquirer file photo

Bagaman nagdeklara na ng ceasfire ang gobyerno at ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) noong Agosto, ilang rebelde pa rin ang nangingikil at patuloy na nasasangkot sa kidnapping sa Sarangani at Davao ayon sa ulat ng Philippine Army.

Nanawagan si Lt. Col. Ronnie Babac, Commanding Officer ng 73rd Infantry Battalion ng Philippine Army sa mga rebelde ng Sarangani na itigil na ang pandurukot at pangingikil sa mga mahihirap na residente sa lugar.

Aniya, makasisira ito sa ceasefire habang isinisagawa ang usaping pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front.

Ayon sa Army, base sa ulat ng mga residente, inaanyayahan ng mga rebelde ang mga negosyante na makipag-usap sa kanila at kalaunan ay humihingi ng pera mula sa mga ito.

Noong Martes lamang, dinukot ng limang rebeldeng komunista ang isang Barangay Kagawad sa Datal Anggas sa Saranggani.

Pinalaya rin ito noong Huwebes nang magbayad ang kanyang mga kaanak ng P50,000 sa mga rebelde.

Samantala, muling ipagpapatuloy ng National Democratic Front at gobyerno ang peace negotiations sa October 6 hanggang 10.

TAGS: AFP, Kidnapping, NDF, NPA, AFP, Kidnapping, NDF, NPA

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.