Brad Pitt nagkusang sumailalim sa drug at alcohol tests

By Den Macaranas September 29, 2016 - 04:51 PM

Brad Pitt
AP

Nagboluntaryong sumailalim sa drug at alcohol tests ang Holywood actor na si Brad Pitt bilang pakikiisa sa imbestigasyon ng Department of Children and Family Services (DCFS) sa U.S.

Pagpapakita umano ito ng kahandaan ng aktor na makiisa sa imbestigasyon kaugnay sa inihaing divorce laban sa kanya ng aktres na si Angelina Jolie.

Sa kanyang reklamo, sinabi ng 41-anyos na si Jolie na siya at ang kanilang 15-anyos na anak na si Maddox ay biktima ng pananakit at verbal abuses ng aktor.

Pinakahuli umano dito ay ang naganap na insidente noong Setyembre 14 habang sila’y sakay ng isang private plane pauwi sa L.A mula sa kanilang bakasyon sa France.

Sinaktan umano ni Pitt ng makailang beses ang kanyang anak at misis base sa reklamo ni Jolie.

Sa kanilang panig, sinabi ng ilang opisyal ng DCFS na isang “very standard” procedure ang alcohol at drug tests para sa mga inirereklamo na tulad ni Pitt.

Ang 52-anyos na si Pitt ay pansamantalang sinasamahan ng kanyang mga kaibigan sa kanilang bahay sa Los Angeles, California.

May mga ulat naman na kasalukuyang kasama ni Jolie ang kanilang anim na anak sa isang inuupahang mansion sa Malibu.

TAGS: angelina, brad pitt, holywood, jolie, maddox, angelina, brad pitt, holywood, jolie, maddox

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.