Malakanyang, mga mambabatas, nakiramay sa pagpanaw ni Senator Santiago

By Chona Yu, Dona Dominguez-Cargullo, Jan Escosio September 29, 2016 - 12:54 PM

santiagoDagsa ang mensahe ng pakikiramay sa pagpanaw ni dating Senator Miriam Defensor-Santiago.

Sa pahayag ng Malakanyang na binasa ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, sa pagpanaw ng senadora, tila pumanaw din ang era ng mga pulitikong may malawak na kaalaman at lakas ng loob na ihayag ang kanilang paninindigan.

Kinilala din ng palasyo ang impluwensya ni Santiago sa mga tinaguriang “millennials” at mga kabataan.

“She was a shining light in phl political annals for her sharp legal mind uncompromising stand and acid humor. She had a profound influence on millennials and the youth, constantly challenging preconceived notions both political and social. Her passing also signals the passing of an era of politicians with wide ranging intelligence and courage to express their true conviction. We condole with families and friends,” ayon kay Abella.

 

Nagpahayag din ng pakikiramay ang mga senador at mga kongresista sa pagpanaw ng dating senadora.

Sa kaniyang statement, sinabi ni Senate President Koko Pimentel IIII na kapag si Senator Santiago na ang nagbibigay ng interpretasyon kaugnay sa Saligang Batas, lagi siyang nakikinig dito ng mabuti.

Ani Pimentel, si Santiago, ay isang “very insightful, knowledgeable” na mambabatas.

Naging paborito rin aniya ng mga kabataan ang senadora dahil sa kaniyang sense of humor.

Si Senator Chiz Escudero naman ay nagpahayag din ng pagkikiramay sa mga naulila ng senadora.

Ayon kay Escudero, “one of the greatest” si dating Senador Santiago at mami-miss niya ito ng sobra.

Si Santiago ay nagsilbing tulay para sa pagmamahalan nina Escudero at misis niyang si Heart Evangelista.

Para naman kay dating Senator TG Guingona, inalala nito ang mga kaganapan sa senado tuwing dumadalo sa mga pagdinig si Santiago.

Ani Guingona, excited ang lahat ng nasa Session Hall kapag alam nilang naroroon ang senadora at lahat ay nagbibigay ng buong atensyon kapag ito na ang nagsasalita.

Kabilang din sa mga nagpaabot ng pakikiramay ay si dating Vice President Jejomar Binay, si House Speaker Pantaleon Alvarez at iba pang kongresista.

 

 

TAGS: Palace and senators mourn passing of Senator Santiago, Palace and senators mourn passing of Senator Santiago

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.