Jaybee Sebastian “asset” umano ng gobyerno ayon sa Magdalo

By Den Macaranas September 21, 2016 - 04:13 PM

jaybee-sebastian-richard
Inquirer file photo

Ibinunyag ni Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano na ginamit ng pamahalaan si Jaybee Sebastian bilang “asset” sa pagdurog ng mga sindikato ng droga sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP).

Sinabi ni Alejano na kabilang siya sa mga naimbitahang mambabatas bago isinagawa ang isang malaking raid sa Bilibid noong December 2014.

Ang nasabing raid ang naging dahilan kung bakit inilipat sa National Bureau of Investigation (NBI) detention center ang ilan sa mga tinaguriang VIP prisoners ng Bilibid.

Ayon kay Alejano, umaabot sa P4 Billion ang buwanang kita ng mag sindikato ng droga sa NBP kaya ipinag-utos ni dating Pangulong Noynoy Aquino ang pag-raid dito sa pangunguna ng DOJ na pinamumunuan ni dating Sec. Leila de Lima.

Ipinaliwanag rin ng kaalyado ni Sen. Antonio Trillanes sa Magdalo na hindi kurap na opisyal si dating Bureau of Corrections Dir. Franklin Bucayu.

Na-pressure umano si Bucayu kaya siya nagbitaw bilang pinuno ng Bucor dahil sa inilunsad nilang kampanya kontra sa droga.

Ipinaliwanag rin ni Alejano na dalawa ang malaking grupo sa BIlibid, ang Commando na pinamumunuan ni Sebastian at ang Presidio na pinamumunuan naman ni Herbert Colanggo.

Magkaribal umano sa mga iligal na gawain ang dalawang preso ayon kay Alejano.

Ang nangyayari umanong pag-atake kay de Lima at sa dating administrasyong Aquino ay malinaw na paghihiganti ng mga nasa likod ng drug syndicate na kanilang dinurog bago pa man maupo sa pwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.

Pinayuhan rin ng Magdalo Congressman ang pamahalaan na maging maingat sa pagkuha ng testimonya ng mga preso sa loob ng NBP.

TAGS: Aquino, de lima, gary alejano, magdalo, trillanes, Aquino, de lima, gary alejano, magdalo, trillanes

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.