Suplay ng droga sa Panay, bumaba sa pagkamatay ng mga Odicta – PDEA

By Kabie Aenlle September 13, 2016 - 04:24 AM

 

Inquirer Visayas file photo

Bumagsak ng hindi bababa sa 20 percent ang suplay ng iligal na droga sa Iloilo at iba pang mga probinsya sa Panay Island kasunod ng pagkasawi sa hinihinalang drug lord na si Melvin Odicta at kaniyang asawa na si Meriam.

Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Western Visayas public information officer David Garcia, maari pang bumagsak sa hanggang 30 percent ang supply ng iligal na droga base sa “very rough estimate.”

Aniya, base ito sa kanilang tantya na ang mga grupo nina Odicta at Richard Prevendido ang nagsu-supply ng 50 hanggang 60 percent ng iligal na droga sa Iloilo at iba pang mga probinsya sa Panay.

Samantala, ang 40 percent naman na natitira ay nanggagaling umano sa mga “freelancers” o iyong mga hindi naman napapabilang sa grupo ng dalawa.

Dagdag pa ni Garcia, naantala ang operasyon ng Odicta group nang mamatay ang mag-asawa, at posibleng nagpapalamig pa ang mga miyembro nito o kaya ay nagtatago.

Patuloy aniya nilang binabantayan kung magpapatuloy ito o kung ano pa ang mga mangyayari matapos silang mailibing.

Bagaman wala pa ring ideya ang mga otoridad sa kung sino ang pumatay sa mag-asawa, nailibing na ang dalawa sa Forest Lake Memorial Garden sa Mandurriao, Iloilo City.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.