Pangulong Duterte, nasa Indonesia na

By Dona Dominguez-Cargullo September 09, 2016 - 06:53 AM

Photo from PCO
Photo from PCO

Matapos ang pagdalo sa ASEAN summit sa Laos, nasa Jakarta, Indonesia na si Pangulong Rodrigo Duterte.

Dumating ang sinakyang Philippine Airlines PR 001 ni Duterte sa Jakarta Halim International Airport dakong alas-9:56 kagabi mula sa ilang araw na pagdalo sa ASEAN Summit sa Vientiane, Laos.

Bahagi ng pagbisita ni Duterte sa Indonesia ang pakikipagkita sa mga Filipino community mamayang alas-11:30 ng umaga.

Matapos ito ay dadalo si Duterte sa isang wreath laying ceremony sa Heroes’ Cemetery na itinakda ng alas-2:15 ng hapon sa South Jakarta.

Nakatakda ring isama ni Indonesian President Joko Widodo si Duterte sa Tanah Abang sa Central Jakarta, na itinuturing na Southeast Asia’s largest textile market.

Habang alas 3:00 naman ng hapon mamaya ay pormal na tatangpin ni Widodo si Duterte sa State Palace.

Sa pulong sa pagitan ng dalawang lider ilang mahalagang isyu ang tatalakayin at pagkatapos ay maglalabas sila ng joint press statement.

Posibleng matalakay sa one-on-one meeting ng dalawang lider ang usapin sa terorismo, Abu Sayyaf group, kampanya laban sa droga, pagkakakulong kay Mary Jane Veloso at iba pang isyu.

Alas 7:00 ng gabi mamaya ay may inihandang state banquet para kay Pangulong Duterte.

Nakatakda ang pag-alis ni Duterte sa Jakarta, alas 9:00 ng gabi at inaasahang dadating siya sa Davao City bago maghatinggabi.

 

 

TAGS: Duterte visits Indonesia, Duterte visits Indonesia

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.