Klase sa lahat ng antas sa San Mateo Rizal, suspendido bukas dahil sa “Kakanin Festival”

By Dona Dominguez-Cargullo September 08, 2016 - 09:52 AM

San Mateo Rizal Walang pasok bukas sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa San Mateo Rizal.

Ito ay dahil sa pagdiriwang ng “Kakanin Festival” sa nasabing bayan.

Sa abiso ng local na pamahalaan ng San Mateo Rizal, ang suspensyon ng klase ay para mabigyang pagkakataon ang mga mag aaral, faculty members at lahat ng non-teaching personnel na makalahok sa pagdiriwang.

Maliban sa mga paraalan, non-working day din bukas para sa mga empleyado ng lokal na pamahalaan ng San Mateo.

Taun-taon na ipinagdiriwang ang Kakanin Festival sa nasabing bayan tampok ang parada ng mga kakanin.

Dahil sa nasabing deklarasyon, mayroong 4-day long weekend ang mga estudyante, kawani ng mga paaralan at mga emeplyado ng Munisipyo dahil ang araw ng Lunes, September 12 ay deklarado namang regular holiday sa buong bansa bilang paggunita sa Eid’l Adha.

Nag-abiso na din ang traffic management office ng San Mateo Rizal sa matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko na mararanasan bukas.

Dahil whole day ang selebrasyon, pinapayuhan na ang mga motorista na galing at pauwi ng Montalban, Rizal na sa Payatas na lamang dumaan patungong Quezon City.

Kung sa Marikina naman magtutungo o manggagaling, pinapayuhan ang mga motorista na iwasan na lamang ang main road at sa mga kalsada sa looban magdaan gaya ng Miguel Cristi St. at Daang Bakal Road.

Samantala, special non-working holiday din sa San Mateo Rizal sa September 21, araw ng Miyerkules bilang paggunita naman sa 445th founding anniversary ng bayan.

 

TAGS: Kakanin Festival, Kakanin Festival

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.